Nakakain ko na kasi ang sarili kong baon.

January 7, 2012

Taong 1995. Grade 2 ako. Normal na umaga. Kain, ligo, pasok ng school. Tapos ang pinakakinakatakutan kong oras sa araw na ‘yon – recess. Lalapitan na naman niya kasi kami at magkukwento ng mga bagay na hindi ko inakalang totoo hanggang naging Grade 4 ako.

“Oi alam niyo ba? Kinausap na naman ako ng ninang ko kagabi. May mga sasaktan daw siya sa pamilya namin kapag hindi ko siya binigyan ng pagkain.” Kilala namin ang ninang niya. Isang dwende sabi niya. At kami naman dahil sa pag-aalala, ibibigay namin laht ng baon namin sa kanya, pagkain man o pera. Tapos, buo na ang araw namin. Parang wala nang kwenta ang mga nangyari pa sa buong araw na ‘yon.

Tapos umaga na ulit. Tapos “Oi alam niyo ba? natuwa ang ninang ko. Kaya hindi na niya sasaktan ang pamilya ko. Pero may problema, mga kaibigan ko naman daw ang isusunod niya.”

Tapos umaga na ulit. Tapos “Natuwa ang ninang ko. Pagkatapos naming mag-usap, nakita ko si Jesus. Dinala niya ako sa moon. Gusto niyo bang pumunta sa moon?” Tapos antagal bago mag-umaga. Tinitigan ko lang kasi buong gabi ang buwan. Gusto kong makapunta dun. Sabi ng kaklase ko, nag-iwan daw sila ng marka ng taong nagba-bike sa moon na pwedeng makita mula sa mundo. At nakita ko nga ang markang sinasabi niya. Sana umaga na ulit.

Tapos umaga na ulit. Tapos “Alam niyo ba ang sinabi sa akin ni Jesus? Magugunaw na raw ang mundo kaya magsisi na kayo sa mga kasalanan niyo. Mag-sorry kayo sa mga magulang niyo at sa mga kapatid niyo na nagawan niyo ng kasalanan.” Pano na ang buwaaaan?!?!?! Gusto kong pumunta sa buwan! “Mahihiwalay na raw tayo sa mga pamilya natin at baka hindi na natin sila ulit makita” Ok, umiyak na lang kami. Hindi dahil hindi na kami makakapunta ng buwan, kundi dahil sa mga bago niyang mga sinabi. Malungkot ako pag-uwi at buong gabing nag-aalala.

Tapos umaga na ulit. Tapos “Pwede raw hindi magunaw ang mundo.”

Tapos umaga na ulit. Tapos maraming maraming umaga. Nakakgutom. Tapos isang araw, bigla na lang wala na siyang kwento kaya meron ulit kaming baon. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit namin siya pinipilit na magkwento pa kahit sinasabi niyang hindi niya nakita ang ninang niya kagabi o kaya hindi niya nakausap si Jesus. Hanggang sa nagsawa na rin kami. Pero wala ni isa sa amin ang nagtangkang isipin na hindi totoo ang mga kwento niya sa amin.

Hanggang sa nagka-isip na kami. Tinawanan na lang namin ang lahat pero hindi namin siya inaway. Baka dahil takot pa rin kami sa ninang niya. Haha. Hindi, mabait lang kami na nagpakatanga. Hindi, mga bata pa kasi kami.

Sa totoo lang, kinalimutan ko na ang mga nangyari noon. Kasalanan na naman niya kung bakit ko naalala. Ngayon lang, nkita ko na in-add niya ako sa facebook. “hi classmate musta na? 2mataba tayo ha” Na-LOL na lang ako nang bigla akong sumagot sa isip ko. “Nakakain ko na kasi ang sarili kong baon.”

Advertisement

One Response to “Nakakain ko na kasi ang sarili kong baon.”

  1. James said

    Hahahahaha! Ayan ha, nabasa ko na. Iba kasi ang takbo ng thought process ko kagabi e, walang focus, you know. LOL

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.